Written by Christian Johnson
Localized by Martha Luis
Pinaniniwalaang ang kalagayan ng ating mga espasyo at ang paraan ng pagtrato natin sa mga ito ay sumasalamin sa ating pagkatao, at pagdating sa paksa ng ‘anik-anik’ sa kulturang Pilipino, totoo ang sentimyentong ito. Tiyak na ibinabahagi ng mga Millennials at Gen Z ang sigasig para sa mga figurine, trading card, at bag charm, at nasisiyahan sila sa saya ng pagkolekta, na walang dudang hinihimok ng mga trend sa social media; subalit nakikita ko rin ang katulad na ideya sa koleksyon ng aking lola na mga decorative egg at estatwa ng Buddha na jade, kahit na siya ay Katoliko. Hindi ko maiwasang isipin na ang pangongolekta ng mga anik-anik ay marahil isang bagay na nakaugat sa pag-uugali ng mga Pilipino sa iba’t ibang henerasyon, at sa kung paano natin pinipiling ipahayag ang ating sarili.
Ang “anik-anik” ay isang malawak na termino para sa mga knick-knacks, trinkets, at iba’t ibang alaala na ating iniingatan. Nagmula ito sa salitang “ano-ano,” ngunit may iba pang mga kaugnay na termino na mas tiyak ang kahulugan. Binigyang-kahulugan ni Arkitekto Clarissa M. Lorenzo (2015) ang “abubot” bilang isang gamit o detalye na karaniwang walang silbi ngunit itinatago bilang souvenir para sa mga sentimental na dahilan, tulad ng concert ticket o paanyaya sa kasal. Samantala, ang “burloloy” ay tumutukoy sa pangunahing aksesorya na kumukumpleto sa kabuuan ng isang bagay, na nagpapakita ng indibidwalidad at pagnanais na mamukod-tangi sa karamihan. Maaari itong maging isang centerpiece, o kaya naman ay ang disenyo sa katawan ng isang jeep. Malamang na karamihan sa mga Pilipino ay may kahit isang gamit na pasok sa kahulugan ng mga terminong ito.
Upang maipaliwanag kung bakit tila patuloy nating pinupuno ang ating mga espasyo ng iba’t ibang gamit, ipinaliwanag ng Antropolong si Felipe M. De Leon Jr. na: “Ang karaniwang Pilipino ay isang maximalist, na pinupuno ang bawat bakanteng espasyo ng mga hugis at bagay. Nagmumula ito sa isang mapanuring kagalakan na malalim na nakaugat sa emosyonal na sensibilidad at matinding pagnanais na kumonekta.” Ang isang malawak at bukas na espasyo ay maaaring madama na walang laman at walang layunin; kailangan nito ng something o mayroon. Ngunit higit pa rito, kailangan nito na maging ekstensyon ng sarili, at marahil ay isang kawili-wiling paksa ng pag-uusap kapag may bumisita sa iyong tahanan. Kaya naman tayo ay nasasabik kapag tumatanggap at nagbubukas ng balikbayan box. Hindi lang dahil tinatanggap natin ang maraming bagong gamit nang sabay-sabay, kundi dahil ang mga nilalaman nito ay nagbibigay sa atin ng pakiramdam ng koneksyon at kagalakan mula sa isang mahal sa buhay na nasa malayo.
Kilala ang mga Pilipino sa pagiging maparaan at matipid, at sa kontekstong iyon, ang pangongolekta ay itinuturing na praktikal. Ngunit para sa mga nagpapakilala bilang mga maximalist, higit pa roon ang kahulugan nito. Ayon kina Vergara at Santos (2023), ang pangongolekta ay isang personal na hangarin, at ito ay itinutulak ng mga sikolohikal at emosyonal na pangangailangan upang patunayan ang sarili, pati na rin ng nostalgia. Maraming tao ang nagsimulang mangolekta ng mga laruan at trinket noong bata pa, huminto noong teenager, at muling binalikan ang hilig na ito pagtanda. Sa panahon ng pagbabago at kawalan ng katiyakan, gustong balikan ng mga tao ang mga nakaraang masasayang alaala;
Ngunit kung iisipin, halos kahit ano ay maaaring maging representasyon ng isang alaala, kaya saan natin ilulugar ang linya kung ano ang itinuturing na “anik-anik”? May pareho bang bigat ang isang tiket ng sine sa isang souvenir refrigerator magnet mula sa pinakabagong bansang iyong binisita? Ang isang gamit ay malinaw na dapat itago at ipagmalaking ilantad, habang ang isa naman ay makatuwirang itapon. Ang “Artification” gaya ng inilarawan nina Shapiro at Heinich (2012) ay angkop na nagpapaliwanag kung bakit ang anumang bagay ay nagiging higit pa sa nakikita. Binigyang-kahulugan nila ang artification bilang isang “dynamic process of social change, through which new objects and practices emerge, by which relationships and institutions are transformed.” Higit pa rito, ang artification ng isang bagay ay nagdudulot ng legitimasyon sa partikular na bagay na iyon, at ang artification ay lalo pang hinihikayat ng pagnanais na makakuha ng legitimasyon kapag ang pagsasagawa na iyon ay hindi makatarungang itinuturing na kulang sa halaga.
Sa madaling salita, ang ganda ng sining ay nasa kabuluhan nito, at sa pamamagitan ng paglalagay ng kahulugan sa isang bagay na karaniwan ay walang halaga, ito ay nagiging katulad ng sining, lalo na kapag ang pagkakabit na iyon ay nakaugat sa malalim na personal na mga karanasan. Bilang mga Pilipino at maximalist, ang mga gamit na ating itinatago ay hindi lamang basta sumasakop sa espasyo para sa atin, ang mga ito ay nararapat na ituring na ating mga regalo na patuloy na nagbibigay ng saya.
This content was created entirely by a human author without the use of artificial intelligence.
1 Comment
test