Skip to main content

Samu'tSari

Horror Vacui, and What is Having and Hoarding

Written by Christian Johnson

Localized by Martha Luis

Ang hoarding ay kadalasan itinuturing bilang makasarili at ipinagbabawal, ngunit dito sa Pilipinas, ito ay rasyonal na gawain, dahil ang bansa ay kadalasang nakakaranas ng iba’t-ibang klaseng kalamidad gaya ng mga lindol, bagyo at pagbaha. Hindi na bago ang kuwento: ang mga lokal na pamahalaan, negosyo, at organisasyon ay nagmamalaki sa paghahanda at pamamahala sa sakuna, ngunit pagsapit ng mismong kalamidad ito ay mas mapaminsala kumpara sa nakaraan. Habang nagmamadali ang mga institusyong ito na magligtas ng reputasyon kaysa sa tao, ang mga residente sa mga lugar na madaling maapektuhan ay nagkukusa na gumawa ng mga paunang hakbang sa pamamagitan ng pag-iipon ng de-latang pagkain, first aid materials at gamot, at umaabot pa sa pagkakaroon ng handang naka impake na bag ng mga dagdag na damit at iba pang emergency supplies. Kahit para sa mga hindi nakararamdam ng agarang panganib, ang mentalidad na “baka sakali” ay naroroon tuwing nangongolekta ng mga bagay.

Ang hoarding ay inilalarawan bilang labis na pangongolekta ng mga gamit hanggang sa puntong nagiging kalat na ito, kasama ang pagtanggi o pag-aalinlangan na itapon ang mga ito. Kapag ito ay sumobra, maaari itong ituring bilang hoarding disorder, basta’t nakatutugon ito sa mga tiyak na pamantayang pandiagnostiko sa DSM-5 (Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders, 5th Edition). Gayunpaman, maraming pag-aaral tungkol sa hoarding disorder, at hoarding sa pangkalahatan, ay Western-centric, at hindi isinasaalang-alang ang mga pagkakaibang kultural ng ibang bansa, tulad ng Pilipinas. Ayon kay Jack Arnold (2023), limitado ang pananaliksik tungkol sa hoarding sa mga bansang hindi Kanluranin, na nangangahulugang may puwang sa kung ano ang bumubuo sa hoarding disorder sa mga lugar na ito. Ang pagbanggit dito ay hindi nagpapawalang-bisa sa pagkakaroon ng hoarding disorder sa Pilipinas, kundi binibigyang-diin ang katotohanan na ang mga intensyon sa likod ng pag-iipon ng mga gamit ay naiiba kaysa sa mga bansang Kanluranin.

Ayon kay Arkitekto Clarissa M. Lorenzo, nagmumula ang maximalism sa “Horror vacui” ng isang tao, na tinukoy bilang “horror of empty spaces or an aversion to empty spaces in artistic designs.” Sa mga matinding kaso, ito ay nagpapakita sa scarcity trauma ng isang tao, o ang pagkabalisa na nagtutulak sa mga tao na mangolekta ng mga bagay bilang paghahanda sa mga panahon ng kahirapan o labanan. Maaari rin itong magmula sa hindi malusog na pagnanais ng isang tao na kumonsumo at mag-over-compensate, na maaaring makaapekto sa kanilang espasyo o maging sa likas na kapaligiran. Dito natin makikita ang impluwensya ng maximalism sa hoarding habits.

Maipapaliwanag ng horror vacui kung bakit nararamdaman ng isa ang pangangailangang mag-overcompensate sa kanilang mga pag-aari. Kung babalik tayo ng ilang henerasyon, alam natin na winasak ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang malaking bahagi ng imprastraktura ng Pilipinas at nagdulot ng pagkakaantala sa mga nakaraang supply chain. Ayon pa nga kay Cecilia Gaerland (2016), ang Maynila ang ikalawang lungsod na pinakamatinding napinsala ng mga Alyado noong digmaan, kasunod ng Warsaw, Poland. Ang mga nakaligtas at nabigyan ng pagkakataong makabangon ay naiwan na may pangangailangang mag-kolekta nang labis bilang paghahanda, at pinalaki nila ang kanilang mga anak na may parehong kaisipan. Ang labis na pag-iipon ay nagiging praktikal, ngunit kapag nauwi na sa sukdulan ng hoarding, maaari itong maging mapanganib, nakaka-stress sa emosyon, at kung minsan ay nagiging pabigat sa komunidad.

Noong unang bahagi ng 2020, maaaring matandaan ng mga naninirahan sa NCR ang pagputok ng Bulkang Taal na nagpakalat ng abo hanggang sa Metro Manila. Ang pangyayaring ito ang nagtulak sa hoarding at price-gouging ng mga gustong-gustong N95 medical mask, hanggang sa punto na naglabas na ng babala ang mga lokal na pamahalaan laban dito. Hindi nagtagal matapos ang pagputok ng bulkan ay dumating ang pandemya ng COVID-19, at ang kasunod na enhanced community quarantine. Ang panic-buying ng mga medikal na suplay, napkin, disinfectant, at iba pang pangangailangan ay sinundan ng price-gouging ng ilan sa mga produktong ito.

Ang pag-iimbak ay nauunawaan sa konteksto ng paghahanda sa sakuna at kawalan ng tiwala sa mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang ng pag-iingat, ngunit ang sentimyentong iyon ay hindi naipapakita kapag ang mga item na ito ay pinagsasamantalahan. Upang labanan ang maramihang pag-iimbak (mass-hoarding) at matiyak na walang maiiwan kapag dumating ang susunod na kalamidad, ang mga ahensya ng gobyerno ay may obligasyong bantayan ang mga presyo sa pakikipagtulungan ng mga retailer, at maglagay ng mga limitasyon sa pagbili para sa mga mamimili. Mahalaga ring malaman na ang iba ay nakakaramdam ng pangangailangang mag-imbak dahil wala silang nakikitang ibang paraan upang mabuhay, at ito ay nagdudulot ng mas malawak na talakayan tungkol sa kung anong mga socio-economic factor ang kailangang baguhin.

Siyempre, ang posibilidad ng mga sakuna at community lockdown ay hindi lamang ang dahilan kung bakit nag-iimbak ang mga Pilipino. Ang mga tao ay nagbibigay ng sentimental na halaga sa kanilang mga ari-arian, at ang kultura ng modernong consumerism ay maaaring mag-isip sa mga tao na kailangan nilang magkaroon ng mga bagay nang sagana. Ang mga panlipunang salik na ito ay maaaring maging mahirap para mag-alis at mag-declutter. Hindi ito nangangahulugan na dapat lumipat sa minimalism, kundi matutong balansehin ang kanilang pakiramdam ng maximalism kaugnay ng kanilang pamumuhay. 

Ang Filipino maximalism ay hindi isang kompetisyon kung sino ang may pinakamarami, ito ay tungkol sa pagmamay-ari ng mga makabuluhang bagay, pagpapanatili ng mga alaala, at pagpapahalaga sa ating komunal at kultural na kasaysayan. Sa gayon, dapat tayong mag-iwan ng espasyo upang tanggapin ang mga bagong bagay na darating.

This content was created entirely by a human author without the use of artificial intelligence.

How did this page make you feel?

😀
0
🤔
0
😍
0
😮
0
👍
0
👎
0

1 Comment

  • leng

    test

Comments

Your email address will not be published. Required fields are marked *