Skip to main content

Samu'tSari

To Crave to Create: An Artist’s Experience with Maximalism

Written by Christian Johnson

Localized by Martha Luis

Bilang mga alagad ng sining, ang ating relasyon kalakip sa maximalism ay isang napaka personal na bagay sa atin. Ito ay sumasalamin sa ating mga sarili, at naglalahad ng mga prinsipyo na nais natin ipakita sa mundo. Ang malalim na aspetong ito ng karanasan sa sining ay nais naming tuklasin. Kami, ang pangkat sa likod ng Samu’t Sari, ay bumisita at nakapanayam ang retiradong broadcaster at human resources manager na si Perry Alcudia, na kilala bilang “Tatay Perry” at ngayon ay ginugugol ang kanyang oras bilang isang artist at self-described maximalist.

Mula pagkabata, si Tatay Perry ay maagang ipinakilala sa sining ng kanyang ama na isang arkitekto. Tinuruan siyang magkaroon ng magandang sulat-kamay, kung paano gumuhit sa iba’t ibang estilo, mga perspektibo sa pag-sketch, at mga teknik sa pagpinta. Sa pamamagitan ng kanyang edukasyon, natutunan ni Tatay Perry ang tungkol sa iba’t ibang mga artist tulad nina Leonardo da Vinci, Michelangelo, at Henri Matisse, na tumulong sa kanya na mapagtanto na ang Pilipinas ay hindi nag-iisa [sa larangan ng pagpapahayag]. Sa paglipas ng panahon, napagtanto niya na ang karaniwang bagay na pinahahalagahan niya sa iba’t ibang likhang sining ay maximalism, na binibigyang-kahulugan niya bilang paraan kung paano mo maipapahayag ang iyong sarili sa malawak na pagkakaiba-iba sa loob ng isang tiyak na espasyo o distansya.

Bilang isang retiree, si Tatay Perry ay may mas maraming oras para lumikha at mag-explore ng mga ideya. Ang kanyang bahay ay pinalamutian ng kanyang iba’t ibang likha at naglalaman ng kanyang mga work-station para sa kanyang mga proyekto. Ang isa sa kanyang mga kapansin-pansing libangan ay ang paggawa ng mga custom na ballpen gamit ang isang pen-making machine na inangkat niya mula sa Estados Unidos.

Sa kanyang mga artistikong pagsusumikap ngayon, nilalapitan ni Tatay Perry ang maximalism sa pamamagitan ng pag-iisip kung paano niya magagamit muli ang mga bagay, tulad ng mga recycled na bote ng soda at mga lata na ginawang mga eroplano. Ngunit mas mahalaga, sa kanyang sariling mga salita, layunin niyang “mapagtanto ng mga tao kung ano ang maganda at kung ano ang hindi, dahil ang kagandahan ay napaka-relative”, na binibigyang-kahulugan namin bilang paghihikayat sa iba na tuklasin at pangalagaan ang kanilang sariling kahulugan ng kung ano ang nakakaakit at makabuluhan. Napansin ni Tatay Perry na maraming tao sa Pilipinas ang nakikipaglaban pa rin para mabuhay, masyado silang abala sa pag-aalala tungkol sa pagbabadyet para sa pagkain, ang kanilang pang-araw-araw na commute, at kung makakarating ba sila sa trabaho sa tamang oras, kaya wala silang oras para talagang mapansin ang mga graffiti sa mga kalye, ang mga advertisement na nakasabit sa mga billboard, o maging ang sining na ipininta sa mga dyip na kanilang sinasakyan. “Hindi nila namamalayan, bahagi ito ng maximalism”, paliwanag niya.

Itinuturo ni Tatay Perry na ang mga edukado at mga may pribilehiyo ang karaniwang may oras na patuloy na magmasid, magpahalaga, at mag-isip tungkol sa iba’t ibang bagay, ngunit naniniwala siya na dapat yakapin ng lahat ng mga Pilipino ang maximalist na pananaw na iyon, hindi lamang tungkol sa sining, kundi tungkol sa lahat ng nangyayari sa kanilang paligid. “Hindi lang ito usapin ng mga artistikong bagay, ito ay tungkol sa pagbabago ng kaisipan ng mga tao upang ang kanilang mga buhay ay maging mas mabuti”.

 Bilang isang self-described maximalist, nakikita ni Tatay Perry ang potensyal na maabot ng Pilipinas habang ito ay lumalago at nagbabago. Sinabi niya sa amin na isinulat niya ang ilang taon na halaga ng mga ideya na nais niyang makitang mabuhay balang araw. Ang kanyang mga intensyon sa likod ng mga ideyang ito ay kinabibilangan ng paglikha ng mga trabaho at pagkakataon para sa mga Pilipino, pag-maximize sa paggamit ng ating sariling mga yaman nang hindi umaasa sa tulong ng dayuhan habang nagiging episyente, at pagpapasaya at pagbibigay ng katuparan sa kanyang sarili at sa iba. Ang mga naturang ideya ay kinabibilangan ng isang sasakyang street sweeper para sa mga subdivision, mga tricycle ambulance na kasya sa makikipot na kalye na hindi kaya ng mga tipikal na ambulansya, at mga food-truck na nasa anyo ng mga dyip. Kahit praktikal o hindi ang aplikasyon ng mga ideyang ito, hindi iyon ang punto; ang mahalaga ay ang ganitong paraan ng maximalist na malikhaing pag-iisip ay hindi lamang pag-aari ng mga artist. Ang maximalism ay pag-aari rin ng mga doktor, programmer, inhinyero, guro, at ng lahat ng mga tagalutas ng problema sa bansang ito. Sa ganitong paraan, ang sinumang maximalist ay isang artist sa sarili nilang karapatan.

Pagkatapos makilala si Tatay Perry, naisip namin, “ano nga ba ang maganda?” Ang kagandahan ay madalas na isang bagay na kaakit-akit tingnan, ngunit hindi lang ito tungkol sa visual aesthetics. Ito ay tungkol sa pagpapahayag ng mga bagay na hindi masabi, paglinang ng mga koneksyon, makabagong pag-iisip, at pagtulong sa kapwa na nangangailangan. Iyan ang kahulugan ng Filipino Maximalism. 

Marahil ang kagandahan ay hindi na dapat pagdudahan, at nasa atin na ang paghahanap nito sa lahat ng bagay sa ating paligid, sa mga dumarating sa ating buhay, at sa mga bagay na ating nililikha.

This content was created entirely by a human author without the use of artificial intelligence.

How did this page make you feel?

😀
0
🤔
0
😍
0
😮
1
👍
0
👎
0

Comments

Your email address will not be published. Required fields are marked *