Skip to main content

Samu'tSari

The Jeepney: A Servant and Symbol of the People

Written by Christian Johnson

Localized by Martha Luis

Sa anumang bansa, ang mga tren at bus ay karaniwang paraan ng pampublikong transportasyon. Ngunit sa kaso ng Pilipinas, walang ibang anyo ng paglalakbay sa lungsod ang tila mas laganap, pinag-uusapan, at hinahangaan gaya ng dyip. Higit pa sa isang sasakyan, ito ay naging pambansang simbolo at isang natatanging tagpuan para sa mga talakayan tungkol sa pampublikong transportasyon, kasaysayan, kultura, at pagpapanatili.

Noong ika-19 hanggang ika-20 siglo, ang mga tao sa Maynila ay umaasa sa Tranvia para sa pampublikong transportasyon, isang network ng mga streetcar na pag-aari ng Meralco na bumibiyahe sa buong lungsod. Sa rurok nito, umabot sa 170 streetcar ang sistema ng Tranvia. Itinuring ito noon bilang isa sa mga pinaka-episyenteng tram network sa Asya at sakop nito ang mga pangunahing lugar tulad ng Pasay, Ermita, Intramuros, at Tondo. Ang mga linya ng Tranvia ay kalaunang nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, partikular na noong mapangwasak na Battle of Manila kung saan naglaban ang mga pwersang Amerikano at Pilipino laban sa mga Hapones noong 1945. Pagkatapos ng digmaan, nakita ng Meralco na masyadong magastos ang muling pagbuhay sa Tranvia, at ito ang nagbigay-daan sa pag-usbong ng iba pang paraan ng transportasyon, kung saan isa na rito ang dyip.

ang ebolusyon ng jeepney

WW2
Present Day

Ang dyip ay ginawa mula sa mga iniwan na military jeep ng mga Amerikano na naiwan pagkatapos ng digmaan, kung saan hinabaan ang chassis nito upang magkasya ang mas maraming pasahero, at nilagyan ng metal na bubong sa ibabaw bilang silungan. Ayon sa papel ni Dr. Cresencio M. Montalbo Jr. na “Public Transport Rationalization as a means to Sustainability”, sa kasalukuyan, may humigit-kumulang 8,959,000 katao ang pangunahing gumagamit ng dyip, habang 1,865,000 naman ang sumasakay sa mga bus. Dahil ang nakararami sa populasyon ay umaasa sa pampublikong transportasyon sa kalsada kaysa sa mga pribadong sasakyan, malinaw na makikita na ang dyip ay ang gulugod ng ekonomiya ng Pilipinas, na isinilang mula sa pangangailangan para sa isang solusyon noong kulang ang mga mapagkukunan at mahirap ang mga panahon.

Ngayon, ang mga dyip ay hindi lamang bumibiyahe sa Maynila; naroroon din sila sa Quezon City, Cebu, Davao, Iloilo, at marami pang probinsya sa buong bansa. Dahil dito, sila ay mahalagang simbolo para sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran, na may malalim na ugnayan na nabuo ng kanilang mga may-ari, drayber, at mga pasaherong sumasakay sa kanila araw-araw. Sa mga urban na kapaligiran na kulang ang imprastraktura at mahirap puntahan, ang mga dyip ay nagbibigay ng mura at maginhawang paraan upang maglakbay sa pagitan ng iba’t ibang bahagi ng lungsod. Ang masikip na espasyo sa loob ay hindi lamang nagsisilbi upang magkasya ang mas maraming pasahero, kundi nagbibigay din ng pagkakataon para sa mga tao na magsimula ng usapan at bumuo ng koneksyon, lalo na para sa mga nakasanayan nang sumakay sa parehong sasakyan.

Bilang isang kilala at laging gumagalaw na bahagi ng pagkakakilanlang Pilipino, likas lamang na maging daluyan ito ng pagpapahayag. Ang marahil na nagpapabukod-tangi sa mga dyip kumpara sa ibang sasakyan ay ang kanilang mga disenyo, kung saan bawat yunit ay natatangi. Madalas na nababalot ng mga makukulay na pinta ang katawan ng mga sasakyan, na karaniwang nagpapakita ng mga simbolo ng pop culture tulad ng mga karakter sa komiks, mga sikat na personalidad, mga relihiyosong imahe, at mga cultural reference ng mga Pilipino. Hindi na nakakagulat na makita ang loob ng mga ito na pinaganda ng mga upholstery na may sapin at mga disco light, at ang mga dashboard ng drayber na pinalamutian ng mga relihiyosong kagamitan tulad ng estatwa ng Birheng Maria. Maging ang mga karatula ng dyip ay itinuturing na ring isang uri ng sining, dahil ang paggamit ng maliwanag, matapang, at istilong typeface ay nakatutulong upang malinaw na ipakita ang mga hintuan.

Ang pinagmulan ng dyip ay Amerikano, bagaman sa makabagong panahon, ginawa na itong sariling atin ng mga Pilipino. Ngunit habang nagbabago ang mga pangangailangan ng urban na tanawin ng Pilipinas, nahaharap ang mga dyip sa mga bagong hamon. Sa pamamagitan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), layunin ng Kagawaran ng Transportasyon na palitan ang mga tradisyonal na dyip ng mga alternatibong mas makakalikasan na maaaring de-kuryente, Euro 4 engine, o hybrid. Tinataya nina Andalecio et al (2020) na ang isang modernong dyip ay nagkakahalaga ng 1.2 hanggang 1.3 milyong piso, hindi pa kasama ang gastos sa maintenance. Ang napakataas na presyong ito ay nagdadala ng banta sa mga trabaho ng mga taong ang kabuhayan ay nakasalalay sa tradisyonal na dyip sa mahabang panahon. Maraming drayber ang nahaharap sa posibleng pagkawala ng trabaho, napipilitan ang maliliit na operator na makiisa sa mga kooperatiba para mabuhay, at nalilimitahan ang mga artista dahil nagiging istandardisado ang mga modernong alternatibo. Ang tanong na “ano ang mas makakalikasan at matipid?” ay mabilis na nagiging “sino ang nakikinabang sa pagbabagong ito, at sino ang naiiwan?” May isa pa ring tanong na dapat itanong:

“Dapat ba nating isantabi ang pagpapahalaga sa kultura alang-alang sa urban development?”

Habang nagpapatuloy ang mga pagkaantala at pagtutol sa pag-phase out ng mga tradisyonal na dyip at ang union ng mga pampublikong sasakyan, malinaw na makikita na ang sistema ng transportasyon sa Pilipinas ay nangangailangan ng seryosong pagbabago, at hindi lamang para sa kapakanan ng mga pasahero, lalo na sa panahon na ang bansa ay lalong nagiging globalisado. Ang mga pangangailangan at pagkakakilanlan ng buong komunidad ay dapat maging pangunahing konsiderasyon, hindi lamang isang huling kaisipan.

This content was created entirely by a human author without the use of artificial intelligence.

How did this page make you feel?

😀
0
🤔
0
😍
0
😮
1
👍
0
👎
0

Comments

Your email address will not be published. Required fields are marked *