Written by Christian Johnson
Localized by Martha Luis
May kakaiba talaga sa ating mga Pilipino tungkol sa ating mga paraan sa buhay, sinasadya man o sadyang nakasanayan lang. Makikita natin ito kahit sa ating mismong tahanan: mula sa sofa na may mga kumot at unan na iba-iba ang disenyo, sa mga shelf na puno ng mga plato at abubot, hanggang sa mga kabinet at drawer na may lamang mga karton at plastic utensils galing sa takeout. Ito ang tinatawag nating maximalism.
May gamit naman talaga ang konsepto ng minimalism dahil nagbibigay ito ng espasyo para makahinga ang isang lugar at nagdudulot ng kalmado o payapang pakiramdam. Ngunit, mahirap itong isabuhay para sa ating mga Pilipino dahil ang maximalism ay nakaugat na sa ating kultura. Mahilig tayo sa mga detalyadong disenyo, itinuturing nating praktikal ang pagkakaroon ng kasaganahan, at mayroon tayong malalim na sentimyento sa mga bagay na pagmamay-ari natin. Kilala rin ang mga Pilipino sa pagiging maparaan o resourceful, at paano nga naman magiging puno ng mga resource sa paraang minimal?
Ayon sa kilalang Pilipinong antropologo na si Felipe M. De Leon Jr.: “Ang karaniwang Pilipino ay isang maximalista, pinupuno ang bawat espasyo ng mga hugis at bagay. Ito ay nagmumula sa isang mapahayag na kasiglahan na malalim ang pagkakaugat sa emosyonal na sensibilidad at matinding pag-uudyok na kumonekta.” Dahil dito, ang kasabihan na “more is more” ay hindi lamang nakaugat sa pagiging praktikal, kundi sa pagnanais na ipahayag ng isang tao ang sarili sa kanilang komunidad at palakasin ang ugnayan. Makikita natin ito sa paraan ng pagkakadisenyo ng ating mga tradisyonal na bahay at pampublikong espasyo upang magkasya ang malalaking pamilya at maging welcoming sa mga bisita. Sa pagbabalik-tanaw, makikita natin kung paano inia-apply ng ating mga katutubong kultura ang maximalism sa kanilang mga textile pattern, hinabing banig, bahay na kawayan, pati na rin sa kanilang mga kasangkapan, armas, at instrumentong pangmusika. Lalo pang naitulak ang pagka-akit sa maximalism noong panahon ng kolonisasyon ng Espanya, kung saan ang kayamanan at karangyaan ay ipinaabot sa pamamagitan ng labis na mga bagay na sadyang inilagay sa buong bahay. Ang mas matapang, patong-patong, at masaganang mga personal na espasyo, ay mas nakakabighani sa paningin ng Pilipino.
Ang ating relasyon sa maximalism ay maipapaliwanag pa sa pamamagitan ng regional diversity at mahabang kasaysayan ng mga panlabas na impluwensya sa bansa. Tinutukoy ng arkitektong si Clarissa M. Lorenzo ang Horror Vacui bilang “takot sa mga bakanteng espasyo o pag-iwas sa mga bakanteng espasyo sa mga artistikong disenyo.” Sa mga matitinding kaso, ito ay nagmumula sa trauma at nagiging isang persepsyon ng kakulangan. Kung isasaalang-alang natin ang kasaysayan, winasak ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang mga lokal na komunidad at kinuha ang napakaraming pag-aari ng mga nakaligtas. Dahil dito, naiintindihan kung bakit nila naramdaman ang pangangailangang kumuha nang higit pa sa kailangan bilang reserba, at kung bakit ang kasaganaan at karangyaan ay nagpapahiwatig ng seguridad at katayuan.
Ngayon, makikita natin ang maximalism sa mga bahay ng ating mga lolo at lola na pinalamutian ng iba’t ibang gamit at pamanang kagamitan, sa ating mga pampublikong palengke at mall, sa transportasyon gaya ng mga dyip at traysikel, sa mga makukulay na pagdiriwang ng kultura, sa ating mga kamayan feast, at sa ating mga koleksyon ng iba’t ibang alaala at anik-anik.
Sa kasalukuyan, makikita natin ang maximalism sa mga bahay ng ating mga lolo at lola na pinalamutian ng iba’t ibang gamit at pamanang kagamitan, sa ating mga pampublikong palengke at mall, sa transportasyon gaya ng mga dyip at traysikel, sa mga makukulay na pagdiriwang ng kultura, sa ating mga kamayan feast, at sa ating mga koleksyon ng iba’t ibang alaala at anik-anik. Dahil sa maximalism, nabibigyan ng sigla ang ibat ibang aspeto ng ating kultura at sariling pagkakakilanlan.
This content was created entirely by a human author without the use of artificial intelligence.
1 Comment
This is a comment!